Published in Manila Today
April 13, 1991. Tandang-tanda pa ni Isko ang petsa noong araw na pinapunta siya ng ‘bisor’ (supervisor) niya sa opisina ng personnel manager nila. Naglilinis siya noon sa boutique sa ikatlong palapag ng SM Makati. Pagkarating niya sa opisina ay binaybay ng personnel manager nila ang marami niyang paglabag sa patakaran ng SM tungkol sa uniporme. Sa SM kasi, lahat ng manggagawa sa serbisyo ay dapat nakauniporme na paglabas pa lang ng bahay nila tuwing papasok sa trabaho. Sa isip ni Isko habang sinasabi ito sa kanya, “Eto na, tatanggalin na ako.”
Lunch break. Masayang nakikipagkwentuhan si Maris sa mga katrabaho habang nakatambay sa opisina ng unyon ng mga manggagawa ng SM. Narinig niya na pinag-uusapan ng mga opisyales ng unyon na nagkaroon ng tanggalan. Narinig niyang nabanggit ang pangalan ni Isko. Hindi pa raw sigurado kung sinu-sino ang natanggal. Kinabahan siya.
Pagkauwi ni Maris nang gabing iyon, naabutan niya si Isko na nasa kwarto habang naglalaro ang dalawa nilang anak. Nagkatinginan lang sila. Ninamnam ang katahimikan ng bawat isa na parang alam na ang kanya-kanyang iniisip.
Kinabukasan ay pinag-usapan nila ang nangyari.
Natanggal nga si Isko at dalawa pa niyang kasamahan sa trabaho nang dahil lang sa uniporme. Pagdating lang sa SM kasi nagbibihis ng uniporme si Isko. Matagal na nilang inaasahan na kung magkaroon ng tanggalan ay tiyak na kasama si Isko doon.
Taong 1982, nagsimulang magtrabaho si Isko sa SM Makati bilang all-around utility worker. Si Maris naman ay 1984 napasok sa SM bilang saleslady. Doon na sila nagkakilala, nagkaligawan at kinalaunan ay nagpakasal. Parehong miyembro ng unyon sa SM, ang Sandigan ng Manggagawa sa Shoe Mart, sina Maris at Isko. Isa sa mga pinakaunang miyembro ng unyon si Isko at kinikilala bilang lider.
Tatlong araw matapos ang tanggalan, kinausap si Isko ng presidente ng unyon. Hinimok niyang mag-pultaym (full time) sa unyon si Isko. Tinanggap naman niya kaagad ang alok. Naisip ni Isko, wala naman siyang ibang tunguhin kundi buong panahong kumilos para organisahin at konsolidahin ang mga manggagawa sa SM para ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Sa SM noong mga panahon na iyon, nasa Php19 lang bawat araw ang sahod ng mga manggagawang kontraktwal at ang pagtaas ay depende pa sa performance. Istrikto ang oras para makapagbanyo kaya’t maraming nagka-UTI at sakit sa bato. Talamak na ang labor flexibilization at kontraktwalisasyon. Walang vacation leave at walang bayad ang overtime nila. Marami pa silang naranasang mapaniil na palisiya at pagtrato sa SM.
Mahirap para kay Maris at Isko ang mawalan ng trabaho ang isa sa kanila lalo na’t may pamilya silang itinataguyod. Pero nanaig sa kanila ang kagustuhan na kumilos para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa at maging bahagi ng pagsusulong ng panlipunang pagbabago.
Parehong naniniwala si Maris at Isko na dahil sa lakas ng unyon, naipagtagumpay nila ang paggiit sa mas mataas na sahod, 15 araw na vacation leave at 15 araw na sick leave, union leave, libreng uniporme, bayad na oras ng trabaho kasama ang overtime, mas maiksing oras ng trabaho, pondo para sa kooperatiba at marami pang iba—anong hirap at karahasan man ang hinarap nila sa panahon ng welga para igiit ang mga ito.
Mahirap para kay Maris at Isko ang mawalan ng trabaho ang isa sa kanila lalo na’t may pamilya silang itinataguyod. Pero nanaig sa kanila ang kagustuhan na kumilos para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa at maging bahagi ng pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Handa silang harapin ang ganitong sakripisyo dahil hindi na lang kapakanan ng sariling pamilya ang kanilang iniisip kundi kapakanan na ng buong lipunan.
Taong 2003 nang muling pumutok ang welga sa SM. Isa na sa mga kinikilalang lider ng unyon si Maris. Simula kasi nang matanggal si Isko, mas naging aktibo na si Maris sa unyon dahil napagtanto niya na sobra-sobrang pang-aapi na ang ginagawa ng may-ari ng SM sa kanyang mga manggagawa. At para kay Maris, hindi pwedeng wala siyang gawin.
Kasama si Maris sa 243 iligal na tinanggal ng SM dahil sa pagsama sa welga. Hindi rin nagtagal mula nang matanggal sa trabaho ay walang pag-aalinlangang nag-pultaym na sa pag-oorganisa ng kababaihang manggagawa si Maris.
Mahigit 30 taon nang mag-asawa si Maris at Isko. Apat na ang kanilang anak at dalawa sa kanila ay may kanya-kanya na ring pamilya. Hanggang sa kasalukuyan ay full time organisador pa rin ng kababaihan si Maris at sa mga manggagawa naman si Isko.
Ano nga ba ang sikreto ng matagal at matatag nilang pagsasama?
Simple lang naman daw. Kapag iisa ang interes at hangarin ng magkabiyak, anumang hirap at tagumpay sa buhay at pakikibaka para sa panlipunang pagbabago ay magkatuwang nila itong haharapin.